Thursday, October 26, 2006

Kape at Berdeng Tsaa

Ah, kape sa umaga! Maaasahan talaga!
Panggising ng sentido at pagal na diwa
Laging ganito sa buhay kong tahimik
Umaasa sa inuming nagbibigay init

Laging panimula gayun din pangwakas
Mainit na kape pangmulat, panghimagas
Minsa’y nakakasawa, paulit-ulit lang kasi
Uma-umagang may kape, araw-araw, pati gabi

At ano nga naman ba ang mahihingi mo pa sa kape?
Nandyan lang kung kailangan, nandyan din kung hindi.
Kasama sa kwentuhan, kapiling kung lasing
Mahal mo kung minsan, ayos lang kung hindi.

Kaya’t nung minsan ako’y inalok ng tsaa
Kape ang hilig ko, ayaw ko ng iba!
Walang nakinig sa akin, wala rin naman akong pakialam
Kaya’t sa baso ng tsaa ako’y nakipagtitigan

Kakaiba ang simhoy ng berdeng tsaa
Kakaiba rin ang kulay, manibalang sa mata
Malumanay ang galaw sa loob ng tasa
Nagbabadya, nanunubok, nakakaintriga

Nalagay sa kamay ko ang tasa ng inumin
Nagniningas ang init, wari’y may bahid ng galit
Maaliwalas ang amoy na nakabibighani
Mas lamang kaya ito sa kapeng nakagisnan?

Hinalo ang berdeng tsaa ng lubusan
Habang umiinit, lalong tumatapang!
Buo sa panlasa! May galing! May sigla!
At higit sa lahat, may tamis rin pala!

Isang tasa ng berdeng tsaa sa tabi ko
Batid sa ngiti ko ang damdaming kuntento
Bakit ngayon ko lamang natikman 'tong tsaa?
Ito’y hulog ng langit! Isang himala!

......

Ah! Kape sa umaga! Tangina talaga!
Ang berdeng tsaa itinapon nila.
Laging ganito sa buhay kong tahimik
Maraming asungot, maraming lintik!

No comments: