Tuesday, October 24, 2006

Galit at Guhit

Ako'y gumuhit ng puso
Tanda raw ng pag-ibig
Kapansin-pansin na bagama't walang kulay
Alam mong ito'y pula

Nakita mo ang aking ginuhit
"Anong kulay?" aking iginiit
"Syempre pula!"
Oo nga naman. Meron pa bang iba?

Bakit pula?
Kulay raw ng kapusukan
Mainit, matapang, mayabang, walang kinatatakutan.
Kulay ng dugong iaalay sa minamahal

Sang-ayon ako sapagkat totoo
Kulay nga ng dugong dumadaloy sa bawat nilalang
Pero hindi dugong pinaaagos ng wagas na pag-ibig
Kundi dugong dumanak bunga ng nagsusumigaw na galit

Pulang marka. Namumulang mata
Ang pulang bumbilyang sumisirko sa ibabaw ng mga sasakyan ng pulisya
"Red light district" na puno ng kapusukan
Kulay ng mga makasalanang
Galit sa pera, sa kapwa, sa sarili, sa iba

Ang puso ko ba'y kukulayan pa ng pula?

Pulang rosas tuwing Pebrero, bitbit ng kalalakihan
Panuyo at panukso sa kanilang napupusuan
Ang binata'y mabango at matinik, tulad ng kanyang mga rosas
Ngunit sindami din ng kanyang mga bulaklak ang kanyang sinisinta.

Galit ako sa kulay pula, at pula ang kulay ng aking galit.
Kulay ng damdaming umaalab, nakatutunaw ng bakal
Masidhing nagniningas na baga sa pandayan
Ito ba'y kulay ng pag-ibig? Hindi ko na alam

Ako'y gumuhit ng puso
Mapagmahal at mabait.
Kapansin-pansin na bagama't walang kulay
Alam mong ito'y wagas

No comments: