Mabilis na ulit ang ikot ng mundo. Nakakahilo.
Minsan gusto ko nangg pumara sa nagmamaneho nito
Para makababa ako kahit saglit at makapagpahinga.
Kaso nga lang, nahihirapan na ko ngayong hanapin ang tsuper.
Ang mga araw ay dumidiretso sa gabi at saglit lamang ay araw na naman.
Parang walang katapusang pagtawid sa mga guhit ng pedestrian lane
Sa gitna ng isang malawak na kalsada
Na di ko na alam kung saan nanggaling at kung saang bangketa matatapos.
Pero minsan babagal din naman ang paggulong ng daigdig.
Ang araw ay tatagal. Ang gabi ay hahaba.
At sa kabutihang palad ay maiibsan ang hilo
At makikilala ko rin ang mga kasabay ko sa byahe.
Ngayon, sa muling pagbagal ng ikot ng mundo ay bumagal din ang karipas ng paglimot
At naalala ko na nakasakay ka din dito
At matagal na pala akong may magandang kasabay.
Kaya pala kahit pagod na ko sa byahe ay di pa ako bumababa.
Thursday, February 05, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment